About serpridthomas

stay low key and let them assume

FPJ’s ANG PROBINSYANO” 100 NA LINGGO NANG NUMERO UNO SA TELEBISYON


Isang engrandeng pasasalamat ang handog ng nangungunang teleserye sa bansa na “FPJ’s Ang Probinsyano” ngayong ngang 100 na linggo nang tinututukan ng mga manonood ang kuwento nito ng kabayanihan at katatagan na sumasalamin sa pamilyang Pilipino gabi-gabi.



“Masaya ako dahil kahit umabot na kami ng 100 na linggo, hindi pa rin nawawala ang suporta ng mga tao. Dahil sa kanila kaya namin pinagbubuti ang aming trabaho,” sabi ng bida ng serye na si Coco Martin. “Hindi kami magsasawang maghandog ng mga bagong eksena na siguradong kapupulutan ng aral ng lahat.”


Bilang parte ng kanilang pasasalamat, mas maraming pasabog pa ang sasalubong sa mga manonood dahil may mga bagong karakter na muling makikilala sa mga panibagong hamong haharapin ni Cardo (Coco) bilang parte ng Special Action Force (SAF).


Mula nga noong Setyembre 2015, hindi na natinag sa pangunguna sa national TV ratings ang “FPJ’s Ang Probinsyano” na nagtala ng all-time high national TV rating na 46.7%, ayon sa datos ng Kantar Media. Sa halos dalawang taong pamamayagpag nito, maraming palabas na rin ang sumubok tumapat sa serye pero nanatili pa rin dito ang mainit na pagmamahal ng Kapamilya viewers.


Naging daan din ang palabas upang muling mapanood ang ilang sikat na action stars gaya nina Lito Lapid, John Regala, Jess Lapid, Victor Neri, at Efren Reyes, Jr. at muling ipakita ang kanilang galing sa telebisyon.


Bukod naman sa telebisyon, umabot na rin ang aksyon ng palabas hanggang sa digital world dahil kasalukuyan nang nalalaro ang “FPJ’s Ang Probinsyano” game app na mayroon nang halos isang milyong downloads.


Tuloy-tuloy din ang paghahandog nito ng tulong sa mga nangagailangan sa ginanap na “Saludo sa Sundalong Pilipino” ng ABS-CBN noong Huwebes (Aug 3), kung saan naghandog ng kasiyahan at tulong ang cast ng programa sa mga sundalong lumban sa giyera sa Marawi.
 
Maliban naman sa aksyon, lubos ding hinangaan ang palabas sa pagpapamalas nito ng kahalagahan ng pagmamahal sa pamilya at kabayanihan. Naging daan din ang “Ligtas Tips,” ang infomercial ng palabas, na ngayon ay mabibili na rin bilang libro, sa pagsisiwalat ng iba’t-ibang modus at krimen gaya ng budol-budol, child trafficking, at carnapping.


Umani na rin ang palabas ng papuri mula sa House of the Representatives at ilang opisyal ng gobyerno gaya nina Philippine National Police chief Ronald “Bato” Dela Rosa at Department of Interior and Local Government secretary Mike Sueno sa pagiging parte nito ng pagpapalaganap ng kaalaman upang mas maging ligtas ang mga tao mula sa mga krimen.



Dahil nga sa kuwento nitong sumasalamin sa pamilyang Pilipino, ilang award-giving bodies na rin ang nagbigay parangal sa programa gaya ng Catholic Mass Media Awards, KBP Golden Dove Awards, at Box Office Entertainment Awards, kung saan nakakuha ang serye ng walong parangal, kauna-unahan sa kasaysayan ng awards show.

ABS-CBN, NANGUNA SA PAGHATID NG SONA AT MGA BALITA NOONG HULYO

Mas pinanood ng mas maraming Pilipino sa buong bansa ang mga hatid na aral at makabuluhang balita ng ABS-CBN noong Hulyo dahil bukod sa entertainment programs, tinutukan din ang news programs nito gaya ng “TV Patrol” at ang special coverage nito ng SONA.

Base sa datos ng Kantar Media, nagkamit ang Kapamilya network ng average audience share na 46% sa pinagsamang rural at urban homes o 12 na puntos na lamang kumpara sa GMA na mayroon lamang 34%.

Mas pinanonood nga ng mga Kapamilya sa buong bansa ang SONA live coverage ng ABS-CBN na “Pangakong Pagbabago: State of the Nation Address 2017” na nagkamit ng average national TV rating na 16.6%, higit na mataas kumpara sa “SONA 2017” (7.8%) ng GMA.

Nanatili namang nangungunang news program sa bansa ang “TV Patrol” (30.8%) sa pagbibigay nito ng mga maiinit na balita at impormasyon gabi-gabi at tinalo ang “24 Oras” (19.6%).

Samantala, nanguna ang “FPJ’s Ang Probinsyano” (37.3%) sa listahan ng mga pinakapinanood na mga programa noong Hulyo sa pagbubukas ng bago nitong yugto sa pagpasok ni Cardo (Coco Martin) bilang parte ng Special Action Force (SAF). Walang humpay din ang naging pagtutok sa “La Luna Sangre” (34.8%) noong nakaraang buwan matapos ang pinag-usapang transformation ni Malia (Kathryn Bernardo) bilang Miyo at ang paglalapit ng landas nila ni Tristan (Daniel Padilla).

Tinutukan din sa telebisyon at maging sa online world ang matinding bosesan sa “The Voice Teens” (34.2%), kung saan itinanghal si Jona Soquite ng Team Sarah bilang kampeon. Sumunod naman ang madamdaming mga kuwento ng letter senders sa “MMK” na nagkamit ng 31.1%.

Napukaw naman ang puso ng mga manonood sa mga aral na hatid ng “Wansapanataym” matapos nitong magkamit ng 28.3%. Bagong kuwento na nga ang natutunghayan ng mga manonood sa pagbida ng breakout child star na si Awra bilang superhero na si Ving sa “Wansapanataym Presents: Amazing Ving” na kintutuwaan at kinapupulutan ng aral tuwing Linggo.

Katatawanan naman ang hatid ng weekend comedy programs na “Home Sweetie Home” (23.3%), na sumasalamin sa masaya at matibay na samahan ng pamilyang Pilipino, at “Goin Bulilit” (20.7), na nagpapakita naman ng talento ng mga kabataan pagdating sa katatawanan.

Hindi rin naman magpapahuli sa listahan ang “Wildflower” (23.9%) na patuloy na pinag-uusapan maging sa social media dahil sa mga kapanapanabik na mga eksena nito tuwing hapon.

Samantala, pasok din sa top 20 programs ng palabas ang Kapamilya noontime show na “It’s Showtime” (Saturday) (18%), ang legal-drama sa hapon na “Ipaglaban Mo” (17.8%), at kuwento ng pagmamahalan nina Andeng (Bea Alonzo) at Anton (Ian Veneracion) sa “A Love to Last” (17.5%).

Namayagpag din sa lahat ng timeblocks ang ABS-CBN noong Hulyo, partikular na sa primetime (6PM-12MN), kung saan nakapagtala ito ng average national audience share na 51%, kumpara sa GMA (32%). Ang primetime block ang pinakaimportanteng parte ng araw kung kailan karamihan sa mga Pilipino ay nanonood ng telebisyon at inilalagay ng advertisers ang malaking parte ng kanilang investment upang makaabot sa mas maraming consumers.

Tintukan din ang Kapamilya network sa morning block (6AM-12NN) sa pagtala nito ng 40%, kumpara sa 33% ng GMA; sa noontime block (12NN-3PM) sa pagrehistro nito ng 44% laban sa 39% ng GMA; at sa afternoon block (3PM-6PM) sa pagkamit nito ng 43%, kumpara sa 38% ng GMA.

ABS-CBN din ang naghari sa ibang parte sa bansa. Sa Total Luzon, nagtala ang Kapamilya network ng average national audience share na 42% kumpara sa GMA na may 37%; sa Total Visayas kung saan nagkamit ito ng 55% kumpara sa 28% ng GMA; at Total Mindanao kung saan nagrehistro ito ng 55% laban sa 30% ng GMA.

GABRIEL, PAMILYA ANG SANDIGAN LABAN SA HAMON NG BUHAY SA “IKAW LANG ANG IIBIGIN”

Ikaw Lang ang Iibigin,” nangunguna sa umaga… 

Pamilya ang pagmumulan ng lakas ni Gabriel (Gerald Anderson) upang lumaban sa buhay sa patuloy na pagpapahirap sa kanyang buhay ni Carlos (Jake Cuenca) at ng ama nitong si Roman (Michael De Mesa) ngayong naisiwalat na ang lihim na bunga siya ng panloloko ni Victoria (Ayen Munji-Laurel) sa Kapamilya morning series na “Ikaw Lang ang Iibigin.”
 
Sunod-sunod na nga ang dagok na nararanasan ni Gabriel matapos siyang sampahan ng kaso ni Roman, na naging dahilan ng pagkakatanggal niya sa unibersidad, nang magpumilit itong pumasok sa kanilang tirahan at iligtas si Victoria. Dagdag pa rito ang pagkakaalis niya bilang endorser ng Tiger Shark dahil naman sa mas lumalalim nilang awayan ni Carlos.
 
Ngunit habang sinusubok siya ng tadhana, isang magandang balita ang tutulong sa kanyang pamilya umahon mula sa mga pagsubok sa pag-alok sa kanya ng kalabang kumpanya ng Tiger Shark bilang bago nitong endorser sa tulong ni Isabel (Coleen Garcia). Patuloy din niyang magiging sandalan si Bianca (Kim Chiu) ngayong mas tumitibay pa ang kanilang relasyon sa kabila ng hirap sa buhay.
 
Ano na nga kaya ang magiging kapalaran ni Gabriel sa kamay nina Carlos at Roman? Paano nga kaya malalampasan ng kanilang pamilya ang paghihirap na kanilang dinaranas? Maapektuhan kaya nito ang pagmamahal nila ni Bianca?
 
Samantala, patuloy naman ang pangunguna ng “Ikaw Lang ang Iibigin” sa umaga. Nito ngang Lunes (July 31) nagkamit ang serye ng national TV rating na 15.9% laban sa “Trops” na nakakuha lamang ng 9%, ayon sa datos ng Kantar Media.
 
Huwag palampasin ang seryeng magpapatunay na hindi sumusuko ang puso sa pangarap at pag-ibig, ang “Ikaw Lang ang Iibigin,” sa ABS-CBN at sa ABS-CBN HD (SkyCable ch 167).
 

XIAN, JAKE ZYRUS, AT IBA PANG KAPAMILYA ARTISTS MAGKAKAISA PARA SA MARAWI SA BENEFIT CONCERT NG ONE MUSIC PH

Magsasama-sama ang iba’t ibang musikero at banda para suportahan at tulungan ang mga biktima ng armadong gulo sa Marawi City sa isang special live benefit concert ng One Music PH, ang music portal ng ABS-CBN, ngayong Linggo (Agosto 6), 6PM.

Tampok sa “Awit Para sa Marawi” concert ang performances nina Xian Lim, Jake Zyrus, Alexa Ilacad, Kiana Valenciano, Sam Concepcion, Maris Racal, Ylona Garcia, Kaye Cal, Volts Vallejo, and “The Voice” champions na sina Jason Dy, Lyca Gairanod, Elha Nympha, at Joshua Oliveros.

Mapapanood din sa benefit concert ang BoybandPH, Ang Bandang Shirley, Jensen and The Flips, Android 18, pati na sina JRoa, Sam Mangubat, Iskala, Reynan Dal Anay, RJ Dela Fuente, Young JV, at Agsunta.

Available na ang tickets para sa “Awit Para sa Marawi” na nagkakahalaga ng P550. May kasama na itong isang libreng shirt at mabibili sa Kapamilya Tickets (ktx.abs-cbn.com).

Ang lahat ng halagang makukuha mula sa ticket sales ay mapupunta sa relief operations na isinasagawa sa Marawi ng Operation Sagip, ang emergency humanitarian arm ng ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation, Inc.

Para mapanood ang concert nang libre, gumawa lang ng account sa http://www.onemusic.ph, na naglalaman ng music playlists, charts, videos, at pinakamainit na balita tungkol sa iba’t ibang artists.

Ang One Music PH ay isa lamang sa digital initiatives ng ABS-CBN, ang nangungunang media and entertainment company sa bansa, na ngayon ay nagiging isa nang digital company dahil sa patuloy nitong pangunguna kumpara sa mga katapat na network sa pagdala ng de-kalidad nitong content online at paglawak ng handog nitong digital properties.

Huwag kalimutang manood ng “Awit Para sa Marawi” sa http://www.onemusic.ph ngayong Linggo (Agosto 6), 6PM. Para sa updates, i-like lang ang http://www.facebook.com/OneMusicPH o sundan ang @OneMusicPH sa Twitter at Instagram.

JONA NG TEAM SARAH, WAGI BILANG KAUNA-UNAHANG “THE VOICE TEENS” GRAND CHAMPION


Si Jona Soquite ng Team Sarah ang itinanghal na kauna-unahang grand champion ng “The Voice Teens” sa buong bansa at sa Asya matapos siyang makatanggap ng 44.78% ng pinagsamang public text at online votes sa grand finale ng programa noong Linggo ng gabi (Hulyo 30).


Si Jona ang ikatlong artist ni coach Sarah na nagwagi sa kumpetisyon at tinalo mga katunggaling sina Isabela Vinzon ng Kamp Kawayan na nakakuha ng 22.42% ng mga boto, si Mica Becerro ng Team Lea (17.79%), at Jeremy Glinoga ng Team Sharon (15.01%).


Naging matamis ang tagumpay ni Jona dahil dumaan siya sa matinding pamumuna mula sa bashers online. “Nakita ko po ngayon, halos kalahati (ng voters) ang naniwala sa akin. Sobrang saya ko po na naipakita ko sa kanila ang tunay na Jona. Maraming maraming salamat po sa lahat,” aniya.


Bilang winner, nagwagi si Jona ng fashion package, business package, dental service package, P1 milyong cash, P1 milyong halaga ng trust fund, P2 milyong halaga ng life insurance, and isang bagong bahay.


Bago ang performance niya ng kanyang winning piece “I Believe I Can Fly” noong Linggo ng gabi, ipinamalas ni Jona ang kanyang versatility sa kanyang duet kasama si coach Sarah ng “Better Days” at pag-awit ng “Just Dance” ni Lady Gaga.


Talaga namang naging tinutukan ng sambayanan ang unang season ng “The Voice Teens” kaya’t consistent trending topic ito online at nanguna linggo-linggo sa nationwide ratings.


Lalo pang inabangan ng sambayanan ang huling performances ng grand finalists at tagumpay ni Jona dahil nagtala ang grand finale ng national TV ratings na 38.2% noong Sabado (Hulyo 29) at 40.3% noong Linggo (Hulyo 30), base sa datos ng Kantar Media.

PELIKULANG “SALVAGE,” “HAMOG” NG CINEMA ONE ORIGINALS, TAMPOK SA PISTA NG PELIKULANG PILIPINO


Ipapalabas ang pelikulang “Hamog” ng Cinema One Originals 2015, at ang horror movie na “Salvage” mula sa Cinema One at Salida Productions sa gaganaping Pista n Pelikulang Pilipino na pinangungunahan ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) at magaganap sa Agosto 16-22.

Sasamahan nito ang 10 pang mga pelikula na pinili ng FDCP para sa film festival na gaganapin kasabay ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika ng Pilipinas. Ito ay ipapalabas sa mahigit 700 sinehan sa buong bansa upang magdala ng magagandang pelikulang Pilipino sa marami pang manonood.

Mula sa direktor na si Ralston Jover ang “Hamog” na tungkol sa apat na streetchildren na nasanay nang gumawa ng krimen upang mabuhay. Dalawang hindi inaasahang trahedya ang magaganap na magdadala sa mga bata sa mahirap na desisyon.

Ito pa lang ang lokal na pelikula sa ngayon na sumali sa dalawang International Federation of Film Producers Association o FIAFP A-list film festivals at nanalo dito. Nakuha nito ang Outstanding Artistic Achievement award para kay Ralston sa 19th Shanghai International Film Festival, at ang Silver St. George Best Actress Award para naman sa bidang aktres nito na si Therese Malvar sa Moscow International Film Festival. Bukod sa mga pagkilala mula sa FIAPF, kinilala rin ito bilang Best Film sa Russian Critics Choice Award.

Ang nakakabilib na pagganap ni Therese sa “Hamog” ay naging susi din upang siya ay bigyan ng New York Asian Film Festival ng Rising Star award. Siya na ang pinakabatang A-list best actress ng bansa ngayon. Kasama niya sa nasabing pelikula sina Zaijan Jaranilla, Sam Quitania, Bor Lentejas, OJ Mariano, Anna Luna, Mike Liwag, Lou Veloso at Kyline Alcantara.

Nakuha din ng pelikula ang apat na pagkilala sa 2015 Cinema One Originals Film Festival kasama ang Best Actress, Best Supporting Actor, Best Editing at inaabangang Jury Award.

Ang found footage film na “Salvage” ay pinagbibidahan naman nina Jessy Mendiola at JC de Vera na tumungo sa isang lugar kung saan sunud-sunod ang patayang nangyayari, at pinaghihinalaang sanhi ito ng atake ng mga aswang.

Mula sa direktor na si Sherad Anthony Sanchez, ang “Salvage” ay isa sa mga special presentation films sa 2015 Cinema One Originals filmfest. Natanggap nito ang Best Film Editing award mula da Young Critics Circle noong nakaraang taon.

Ayon sa review na isinulat ni Skilty Labstilla sa Young Critics Circle Film Desk, hindi lang basta kwento umaasa ang “Salvage” para mahatak ang mga manonood, sa halip ay pinapapasok sila ng naturang pelikula sa misteryo at patuloy na paghihirap ng mga karakter. Patunay nito ang huling 20 minuto ng palabas kung saan nagpamalas ito ng kakaibang paggamit ng mga camera angle, editing, ilaw at tunog, at magaling na pagganap ng mga artista upang makapagbigay ng isang maipagmamalaking obra.

Abangan ang “Salvage” at “Hamog” sa pinakaunang Pista ng Pelikulang Pilipino sa darating na Agosto 16-22 sa mga tampok na sinehan. Para sa karagdagang impormasyon, sundan ang Cinema One (@Cinema1channel) at Cinema One Originals (@Cinemaoneoriginals) sa Facebook.

photo credits: abscbnpr

KATATAWANAN SA “MS. Q AND A” AT “CASH-YA” NG “IT’S SHOWTIME,” TRENDING ONLINE

 

Patok na patok sa mga manonood at maging sa netizens ang mga segment ng “It’s Showtime” na “Ms. Q and A” at “Cash-Ya” kaya naman araw-araw itong inaabangan ng bawat kabahayan at pinag-uusapan sa online world.

 

Lubos nga ang natatanggap na papuri at suporta ng naturang segments ng palabas na patuloy na lumilikom ng libo-libong tweets sa Twitter at shares sa Facebook. Patok din ang mga ito sa YouTube kaya naman pumapalo sa higit sa isang milyong views ang videos ng naturang segments.

 

Sabi ng Twitter user na si @iddaidz, “Nakakawala ng pagod at stress ‘tong ‘It’s Showtime.’ Lalo na itong CashYa at Ms. Q and A!”

 

Tuwang tuwa naman si @itsmelykalykz sa kulitan ng hosts sa “Cash-Ya.” “Team Vice vs Team Nadine ang bumubuo ng tanghali ko,” sabi niya.

 

Pagbabahagi naman ni @loudcas, “Total entertainment talaga ang ibinibigay sa akin nitong ‘Ms. Q and A.’ Sobrang panalo!”

 

Todo tutok na nga ang buong bayan sa kakaibang ganda at talino ng mga kalahok ng “Ms. Q and A” na binibighani ang mga manonood sa kanilang enggrandeng mga kasuotan at mala-beauty queen na sagot sa iba’t-ibang katanungan. Patok din ang pakikipagsabayan nila sa kulitan sa hosts ng programa na lalo pang nagdadagdag ng saya sa pananghalian.

 

Inaabangan din ang mainit na tapatan ng hosts sa “Cash-Ya” kung saan kailangang pagkasyahin ng dalawang grupo ang bawat miyembro ng kanilang kupunan nang hindi nasisira ang mga bagay na kanilang sasakyan o susuotan. Dagdag din sa saya ang biruan at asaran ng hosts sa kanilang hangaring manalo sa bawat challenges.

 

Bukod naman sa dalawang segments, tinututukan din ang bakbakan ng bosesan sa year two ng “Tawag ng Tanghalan” na patuloy na nagbibigay pagkakataon at tumutupad sa pangarap ng mga mang-aawit mula sa bawat panig ng bansa.

 

Huwag palampasin ang good vibes na hatid ng “It’s Showtime,” tuwing tanghali sa ABS-CBN at sa ABS-CBN HD (Sky Cable ch 167). Para sa past episodes ng programa, pumunta lamang sa iWant TV o sa skyondemand.com.ph para sa Sky subscribers.