SINO KINA MICA, JONA, ISABELA, AT JEREMY ANG TATANGHALING KAUNA-UNAHANG “THE VOICE TEENS” GRAND CHAMPION?

Sa bansa at sa buong Asya…


 

Mula sa libo-libong nangarap at matapos ang pambihirang pinagdaanan sa mapanuring mata ng coaches at publiko, magbabakbakan na sa kanilang huling showdown ang grand finalists na sina Mica, Jona, Isabela, at Jeremy para tanghaling kauna-unahang “The Voice Teens” grand champion sa bansa at buong Asya.

 

Umaatikabong labanan ng boses ang mapapanood sa grand finale ng top-rating singing-reality show ngayong Sabado at Linggo (Hulyo 29 at 30), kung saan itotodo na ng apat ang kanilang laban para sa pamilya at pangaral.

 

Boses na lamang ng publiko ang maririnig kaya naman tanging text at online votes lang ng mga manonood ang siyang hahatol kung sino ang tatanghaling kampeon na magkakamit ng fashion package, business package, dental service package, P1 milyong cash, P1 milyong halaga ng trust fund, P2 milyong life insurance, recording at management contract sa MCA, at bagong house and lot.
Tatlong rounds ang kailangan pagdaanan ng finalists upang ligawan ang boto ng mga manonood – ang duet kasama ang kanilang coach, isang upbeat performance, at isang power ballad na siyang magiging finale song nila.
Bagama’t maraming sumusuporta at humahanga sa kanila, labis na pressure hindi lang sa pagpe-perform ang kanilang nilagpasan para lang patunayang karapat-dapat silang manatili sa kumpetisyon.

 

Marami na ang bumilib kay Mica ng Team Lea sa blind audition pa lang niyang humakot na ng 9.8 milyong views, ang pinakamataas sa lahat ng teen artists ng season. Sa simula pa lang ng kanyang laban, inihayag na niya ang kagustuhang niyang bigyang inspirasyon ang ibang kabataang sumubok ng ibang genre.

 

Nakilala man sa kanyang operatic singing, ipinakita ng pinamagatang Soprano Girl ng Surigao del Norte na kaya rin niyang umawit ng pop at lagyan ng sarili niyang tatak ang mga sikat na awitin.

 

Hinasa naman ng singing contests ang 14 taong gulang at four-chair turner na si Jona, ang Tabing Ilog Sweetheart ng Davao. Dala ang kanyang pangarap na mailipat ang pamilya sa bagong bahay mula sa mapanganib na tahanan sa tabi ng ilog, gagamitin ni Jona ang lahat ng natutunan mula sa mang-aawit na ama at kay coach Sarah.

 

Ipinakita rin ni Jona ang kanyang tapang sa pagtanggap ng mga kantang humamon sa kanyang versatility. Mula sa blind audition, naging tuloy-tuloy na ang mga papuri sa kanya dahil sa pagkanta niyang mula sa puso.

 

Gaya ni Jona, palaban din sa stage si Isabela mula Kamp Kawayan ngunit nakatanggap ng matitinding pamumuna mula sa bashers. Kaya naman hindi nagpahuli ang kanilang coaches, lalo na si coach Lea, sa pagtatanggol sa kanilang talento at abilidad sa show man o online.

 

Hindi naging madali kay Isabela ang lumaban sa show bunga ng online bullying dahil sa pagiging isang celebrity daughter niya. Upang labanan ang samu’t saring batikos, ibinunyag ng Spunky Singing Beauty ng Pampanga na pinaghirapan niya ang pwesto sa kumpetisyon at pumila rin sa Manila auditions kasabay ng libo-libong aspirants sa show.

 

Sa huli, hindi nagpatinag si Isabela kaya naman patuloy pa ring inaabangan ang astig at agaw-eksenang performances niya upang patunayang karapat-dapat siyang magkaroon ng lugar sa industriya.

 

Tumataya naman si coach Sharon kay Jeremy, ang Charming Cutie ng California, na maging kauna-unahang “The Voice” champion na magmumula sa team niya. Laki man sa Amerika si Jeremy, taglay niya ang isang pusong Pinoy.

 

Marami nang pinakilig at pinahanga si Jeremy dahil sa pagkanta niya ng madamdaming OPM ballads. Ano pa kaya ang pwede niyang ipakita sa grand finale?

 

Kaninong team manggagaling ang kauna-unahang “The Voice Teens” grand champion? Sino kina Mica, Jona, Isabela, at Jeremy ang magbibigay ng pinakanakakamanghang performances at siyang papanigan ng publiko?

 

Huwag palampasin ang kapana-panabik na bakbakan ng apat na teams sa “The Voice Teens: Grand Finale” ngayong Sabado at Linggo (Hulyo 23 at 24) sa ABS-CBN at ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). Mapapanood din ito nang live ng mga Kapamilya sa ibang bansa sa tfc.tv/Voice. Para past episodes ng palabas, mag-login lamang sa iWant TV o sa skyondemand.com.ph para sa Sky subscribers


Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s